Aug 29, 2008

Pag-iisip

Wow. Noong nakaraang Mayo pa pala ang huli kong post dito. Sobrang tagal na rin pala. Sabi ko noon, magiging outlet ko ang mundo ng blog para sa ilang mga personal na bagay. Ngunit totoo nga, mahirap mag-maintain ng isang blog na tulad nito lalo na at sandamukal na bagay rin ang pinagkakaabalahan ko.

Sa loob ng ilang buwan na hindi ako nakapunta sa blog na ito, napakarami na rin namang nangyari sa buhay ko. Muli, lumipas ang ilang buwan na puno pa rin ako ng samu't saring katanungan sa isipan ko, mga katanungang masasagot lamang siguro kung susubukan kong lumubog sa isang uri ng pamumuhay na ni sa panaginip ay hindi ko talaga nasilayan at hinangad.

Ewan ko. Madalas ko pa rin itong sagot sa tuwing mag-iisip ako ng mga bagay-bagay. Kahit nga yata sa tanong na, "Sino na ako ngayon?", mukhang iyan pa rin ang isasagot ko. Parang hindi ko na talaga kilala ang sarili ko.

Sa ngayon, may isang tao na inaakay ako sa ganitong klase ng buhay. Kahit pa nakaranas ako ng ilang hindi kanais-nais na mga bagay sapul nang malaman ko ang pagbabagong ito, heto at paulit-ulit pa rin akong sumusubok. Kung siya man ang taong makapagbibigay-kaliwanagan sa akin, ewan ko.

Hanggang kailan ako ganito? Malamang, ewan ko.

----------

Maitatanong ninyo, bakit ganyan ang pamagat ng aking pahina? Siyempre, hindi naman ewan ang sagot ko.

Masarap maligo. Sobrang sarap. Mag-isa ka lamang sa banyo, waring solong-solo mo ang buong mundo. Parang hindi na umiinog ang panahon mo habang patuloy kang nagpapaalipin sa lamig ng tubig at sa mahalimuyak na sabon at shampoo.

Ganyan na ganyan ang pakiramdam ko habang naliligo. Tila ba tagong-tago ako sa mata ng mundong ito. Marahil, bunga na rin ito ng pagiging mahilig ko sa pag-iisa, lalo na pagdating sa ganitong mga bagay na may kinalaman sa aking pagkatao. Sa banyo, may panahon akong mag-isip ukol sa buhay ko. May panahon akong umiyak, ngumiti at gumawa ng mga bagay na lingid sa lahat ng nilalang.

Sa ngayon, masarap pa akong naliligo sa banyo. Kung kailan handa na akong lumabas sa banyong ito, ewan ko. Panahon na lamang ang makapagsasabi.

6 comments:

the menace said...

atom easy lang sa pag-iisip. hahah. dinalaw din kita

The Techno Dome said...

dumalaw ako. ^_^
and you're so you.
kung ako sa'yo paka-straight ka na ulit :)
namiss kita :)

medical-nursing said...

dumalaw lang. sana makadalw ka rin sa akin kahit ibang klase ang blog ko

Juz said...

padalaw muli!

masarap nga minsan mag isa.. but masama din un pag sobra..

katulad sa pagligo.. pagsobra na.. kumukulubot na ang mga daliri mo sa sobra lamig at pagiisa..

vinch said...

uy wow, nagupdate ka na ulit. buti ka pa. hehe

icka said...

so nakalabas ka na ba ng banyo ngayon?